Pinaunlakan ni Congressman Jose T. Panganiban Jr. na nagmula sa Ethnographic Region of Southern and Eastern Mindanao ang imbitasyon para sa ikaapat na araw na pagdiriwang ng ika-20 anibersaryo ng pagsusulong ng Indigenous Peoples Right Act o IPRA na ginanap sa Century Park Hotel nitong Oktubre 26.

Sa kanyang naging pahayag, ibinahagi ni Panganiban ang kahalagahan ng IPRA sa buhay ng bawat katutubo.

Aniya, “Ang IPRA ay isa sa mga batas na kung susuriin natin ay talagang napakaganda. Kaya nga lang ay marami ang hindi nakakaalam, hindi nakaka-appreciate ng provisions ng batas na ito.”

Ang IPRA aniya ang naging sandata ng bawat isang katutubo sa pakikipaglaban upang makamit ang karapatan ng bawat isa lalung-lalo na sa lupang kanilang sinilangan na  unti-unting binabawi sa kanila.

Ibinahagi rin ng mambabatas na hindi madali ang laban na kanilang kinahaharap, ngunit kung sila ay magkakaisa at ipapakita na sila ay lumalaban at naninindigan ay makakamit nilang tunay ang tagumpay sa kanilang mga ipinaglalaban.

At salungat sa iniisip ng iba, kapayapaan aniya ang madalas na isinisigaw ng mga Indigenous Peoples (IPs) at hindi niya kailanman narinig ang mga katutubo na sumigaw upang pabagsakin ang pamahalaan. Lupa lang at karapatan, ani Panganiban, ang tanging ipinaglalaban ng mga ito.

Binigyang-linaw rin niya ang mga hamon na maaaring kaharapin ng mga IPs kapag naipasa na ang Bangsamoro Basic Law (BBL) at ang Federalismo dahil hindi umano nakapaloob ang IPRA sa BBL at wala rin umanong lugar ang NCIP sa usapin ng Federalismo.

Gayunpaman, tiniyak din niya na may tatayo at maninindigan para sa mga katutubo upang palaging mapahalagahan ang kanilang mga karapatan at upang makipaglaban sa anumang hamon na dumarating para sa mga ito.

Nagpahatid din ng pasasalamat ang mambabatas sa lahat ng tumulong at patuloy na tumutulong para maibigay ang nararapat sa mga IPs.

Handa rin siyang lumaban kasama ng mga ito sa anumang hamon dahil aniya, “Kung ano po ang sakit ninyo, ang problema ninyo ay problema ko rin. Never akong nagkulang dahil ang pagtulong ko po sa inyo ay hindi para sa balik kundi dahil ito ay isang obligasyon ko sa inyo.”

Si Panganiban ay tubong Isabela. Siya ang kinatawan ng mga kababayan nating katutubo sa Anak Party list. Siya rin ang nakipaglaban at nangalap ng suporta sa Kongreso upang maibigay ang nararapat na pondo para sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) para sa taong ito na susuporta sa pangangailangan at karapatan ng mga kababayan nating katutubo.

(Angel Sagales/MMPM.news)